Komedya

Wednesday, September 29, 2004

Sa paghahanap ko ng trabaho...

Kanina lamang ay naglog-in ako sa aking JobsDB upang maghanap ng trabaho dahil ako ay nabubulok na dito sa bahay. Sa aking paghahanap, hindi ko mapigilang matawa sa aking nabasa. Nakasaad kasi doon sa position title,

"CHAT MODERATOR/CHATTER"

At nagmistulang call center ang moda nito dahil sa isa sa mga hinahanap nila sa isang aplikante ay,

"willing to work on a shifting schedule"

Ang lagay ba eh ang sistema bang ginagamit dito ay Yahoo Messenger at IRC? Hmmmm...

Pagkatapos naman ay sinubukan kong tumingin ng mga job opening sa Yehey!. Ito daw ay isa sa mga hinahanap nila sa isang aplikante...

"TEACHABLE"

Hmmmmm... palagay ko lahat naman tayo ay pwedeng turuan. Ang tanong ay kung mabilis ba matuto?

Wapak!

Tuesday, September 28, 2004

Mga katatawanan sa Feng Shui

Hindi ko talaga maiwasang matawa noon kay Jay Manalo sa pelikulang Feng Shui na isang Blockbuster Hit dito sa Pilipinas. Paano ba naman kasi, natawa talaga ako doon sa isa sa mga linya niya

"Wag kang naib (naive) Joy!"

At siyempre pa, ang isa sa mga highlight doon na naghalo na rin yung mga emosyon ko. Eto ay yung eksena na kung saan ay nahulog si Lotlot de Leon sa mga bote ng Red Horse Beer. Si Lotlot de Leon ay Year of the Horse at namatay siya nang mahulog siya sa mga bote ng Red Horse Beer. Nakakatawa dahil masyadong literal. Talagang ginawa ang lahat ng paraan para maconnect ang kanyang pagkamatay sa kanyang Chinese Horoscope.

Sunday, September 26, 2004

Mga Sablay na Date

Kung akala ninyo ay sa pelikula lang nangyayari ang mga date na sablay, diyan kayo nagkakamali. Ito yung mga klase ng date na sa kalagitnaan pa lang ay maiisip mo na lang na,

"Sana ay di na lang ako nakipagdate."

"Sana nanood na lang ako ng DVD sa bahay."

"Sana may kapangyarihan akong maging invisible."

Sa baba ay nakalahad ang karanasan (edited version) ng ilan sa aking mga kaibigan na kung gagawing eksena sa pelikula...

1. Nagdate si lalake at si babae. Kumain sila sa isang restaurant. Habang sila ay kumakain ay nagkukwentuhan din sila. Nakafocus kay lalake ang camera. Pagkatapos magsalita ni lalake, kay babae naman nakafocus ang camera. Noong kalagitnaan ng pagsasalita ni babae, biglang tumalsik ang kanin sa mula sa bibig nito. Eto na, slow motion na ang eksena na parang bala mula sa pelikulang The Matrix. Ngayon, ang nakikita na ng camera ay ang lalake at babaeng naka-side view. Habang palapit ng lapit ang butil ng kanin sa pisngi ni lalake, ang camera naman ay nakafocus na kay lalake, front view naman. Pagkadikit ito sa pisngi ni lalake ay tatalsik siya mula sa kanyang upuan at mapapatumbling siya ng pabaligtad (katulad ng ginagawa ng Streetboys). At pagkatapos non, ay bigla niyang pupunasan ang kanyang pisngi na tinalsikan ng kanin at muling babalik sa kanyang kinauupuan na parang walang nangyari ngunit may thought bubble na lalabas at ang nakalagay sa loob non ay,

"Yaaaakkkk!!! Turn off!!!"

2. Nagdate si lalake at si babae. Kumain sila sa isang restaurant. Pagkatapos nilang kumain ay nagsimulang magsalita ang babae na tila 100wpm ang bilis. Mabilis ang pangyayari sa kanilang paligid, pero sa mismong table nila, yung normal na takbo lang ng pelikula. At ang pandinig ng manonood ay ang pandinig mismo ni lalake. Naghalo-halo na ang lahat ng nadidinig ni lalake, may musikang tugtog galing sa radyo at yung boses ng babae na umaalingawngaw. Nakafocus ngayon ang camera kay lalake, front view. Si lalake ngayon ay nakatulala. Pagkatapos ang view ng camera ay kung ano ang nakikita ni lalake. Nagiging malabo ang paningin, pagkatapos ay napikit pikit na si lalake na hindi naman napansin ni babae. Pagkatapos ay may lumabas ulit na thought bubble at ang nakalagay sa loob ay,

"Sana pasalitain mo ako. Turn off!!!"

Saturday, September 25, 2004

Dalawang Halimaw sa National Bookstore


Lalamunin kita... bwahahahaha


Noong Huwebes bandang alas siyete ng gabi ay may napag-alamang sighting ng dalawang halimaw sa National Bookstore sa Harrison Plaza. Kitang kita nyo naman sa letrato na nakakatakot at tila lalamunin ka talaga dahil sa laki ng bunganga niya.


Mwahahahaha... ang cute ko noh?


Matapos ng limang minuto ay nagpakita ang isa pang halimaw. At ang halimaw na yan ay hindi cute, siya ay nakakatakyut! Ngunit napag-alaman din na ang dalawang halimaw pala na iyon ay balak pumunta ng Halloween party. At isang tao lang pala siya na nagsusukat ng mga maskara.

Friday, September 24, 2004

Headline News Balita!

Kanina lang ay may natanggap ako sa e-mail na ipinadala sa akin ng kaklase ko noong Nursery. Hindi ko mapigilang tumawa ng malakas dito sa harapan ng computer. Hahaha! Wala naman nakakakita eh. Hehe!

Pero bago ito basahin, dapat ay ma-imagine mo na naririnig mo ang boses ni Mike Enriquez para mas-epektibo at swak na swak.


*Dalawang kalbo, nag-sabunutan.

* Capt. Hook dumaan sa Quiapo, pinirata!!!

* Palaisdaan, nasunog!!!

* Tahanang Walang Hagdan, inakyat!!!

* Bakla sumali sa away, napasubo!!!

* Bagong tuli nagyabang, lumaki ang ulo!!!

* Unanong madre, napagkamalang penguin!!!

* Bulag nakapatay, nagdilim daw ang paningin!!!

* Iceman nanood ng porno, nag-init!!!

* Tindera ng suka, tinoyo!!!

* Teacher nagkamali, tinuruan ng leksyon!!!

* Lolo naakusahang nang-rape, pero sa korte....biktima ayaw tumayo!!!

* Eroplano nag-crash, lahat ng pasahero namatay sabi ng mga survivor!!!

* Basurero nagsampa ng kaso, binasura!!!

* Dahil may reklamo, eskwelahan ng mga bingi nag-noise barrage!!!

* Tubero, nagka-tulo!!!

* Lalaki natagpuang pugot ang ulo, inaalam pa kung buhay!!!

* Barbero tumestigo sa krimen, ayaw paniwalaan!!!

* Misis ng photographer, nakunan!!!

* Tindera ng tubig, namatay sa uhaw!!!

* Kaso ng pilay, nilalakad!!!

* Invisible man, nakita na!!!

* Bakla lumuhod sa simbahan, pinalabas!!!

* Labandera nagkamali, sinabon!!!

* Lalaki kumain ng boneless bangus, natinik!!!

* Janitor sumali sa basketball, nilampaso!!!

* Paco binaha, kinalawang!!!

* Dahil lagi raw tulog, guwardiya binantayan!!!

Thursday, September 23, 2004

Facial Attraction

Kanina ay pumunta ako sa Harrison Plaza kasama ang aking kaibigan dahil may kinailangan akong bilhin sa National Bookstore. Pagkatapos naming kumain sa may Food Alley ay umalis na kami. Sa aming paglalakad sa loob ng mall, bigla kaming napahinto sa tapat ng Facial Attraction, isang dermatology clinic.



Facial Attraction


Pagkatapos ay naalala ko bigla ang Petal Attraction na isang flower shop. At napansin ko agad ang pagkakahawig nila. Napansin ko na ang pangalan ng magkaibang establishment ay pawang galing sa pelikulang Fatal Attraction na ipinalabas noong 1987.

Sana lang yung mga babaeng customers ng Facial Attraction na clinic ay talagang dinudumog ng manliligaw pagkatapos magpafacial doon. At para naman sa mga lalaking customers nito, sana naman ay maraming mga babaeng naghahabol sa kanila. Kumbaga, paglabas nila ng Facial Attraction ay nagmemetamorphosis sila katulad ng isang paro-paro.

At para sa usapang Petal Attraction (buhay pa kaya ito?), yung mga binibiling bulaklak kaya dito ay mala-gayuma na kapag binigay ito ni lalake kay babae ay sasagutin agad siya? Hmmmm... Palagay mo?

Kakaibang Menu Items ng Bon Vivant

Kung kayo ay napadpad sa ika-apat na palapag ng Robinson's Place Manila, malamang ay nadaanan niyo na ang Bon Vivant. Ang mga produkto ng Bon Vivant ay rice-in-a-box. Pero ano nga ba ang nakatawag sa akin ng pansin dito? Ang menu items mismo ang nakatawag sa aking atensiyon.


Bon Vivant

Ilan sa mga nilista ko dito ay ang mga kakaibang menu items na minsan, hindi mo alam kung nagchochongki ba sila noong pinag-uusapan nila kung anong dapat itawag sa menu items nila.

1. Babes
Kung naalala nyo ang pelikulang Babe na kung saan ang bida rito ay isang baboy, sa menu item pa lang na ito ay maiisip mo na agad na ito ay kanin na may halong baboy.

2. Under the Sea
Naalala niyo ba ang pelikulang Little Mermaid? Di ba meron doong kanta sa soundtrack nila na ang pamagat ay Under the Sea? Palagay ko dito nila nakuha yung menu item na ito. Ang menu item na ito ay kanin na may kasamang seafood.

3. Babes in the Sea-ty
Ang pelikulang Babe ay may sequel na Babe: Pig in the City. At dahil malikhain silang mga indibidwal, naisip nila na ang ci na parte ng salitang city ay katunog ng sea. Diyan siguro nila nakuha yung pangalan ng menu item na yan. Ang menu item na ito ay kanin na may kasamang baboy at seafood.

4. La Isda Bonita
Ang menu item na ito ay galing sa isang kanta ni Madonna na pinamagatang La Isla Bonita. Biruin nyo, isang titik lang yung pinalitan nila. Hehe. Ang tanong ay kung ang kantang yan ang pinapakinggan nila nong ginawa nila itong menu item na ito? Ang menu item na ito ay kanin na may isda.

5. Roe x3 Ur Boat
Ang menu item na ito ay galing sa Nursery Rhymes, "Row, row row your boat, gently down the stream..." Hehe. Siyempre obvious rin na ito ay kanin na may tatlong klase ng seafood.

6. Abuchikee
Ito ay galing sa kantang Abuchikik na pinasikat ni Yoyoy Villame at siyempre kinanta din ito ng dating child star na hindi na child ngayon na si Aiza Seguerra. Ang menu item na ito ay kanin na may manok.

7. Sea Sea Sid
Dahil mapaglaro ang kanilang imahinasyon, ang simpleng salitang sisisid ay pinanggalingan ng naturang menu item na ito. Ang menu item na ito ay kanin na may seafood din.

8. Seap-Sea-Pan
At dahil siguro sa naging mainit na ang diskusyon ukol sa ipapangalan sa menu items, naisip nila na pwede rin pala ang salitang sipsipan na iniba lang nila ang ispeling. Ang menu item na ito ay kanin na may seafood.

9. Karekeropi
Siguro ang isa sa mga may-ari nito ay mahilig sa Kerokerokeropi na makikita ninyong nagkalat sa Gift Gate kaya ganito ang menu item na ito. Ang menu item na ito ay kanin na may kare-kare.

Hindi lang ang Bon Vivant ang may kakaibang menu items, marami pang iba diyan na dapat kong matuklasan. Hehehe.

Wednesday, September 22, 2004

Paano daw maging chubby

Nabasa ko ito sa isang messageboards. Ito ay tungkol sa isang babaeng namomroblema dahil siya daw ay payat.

Dear Grabeh Babies


Guys tulungan nyo naman ako oh.

Im so bothered na kasi about my problem. Yung boyfriend ko gusto niya magpataba daw ako, eh kahit anong kain ko naman di pa rin ako tumataba. Im still payat until now.

May vitamins ba na mabilis magpataba?

Tell me naman o, para i could gain weight naman.

Im afraid baka madiscourage siya sa figure ko.

Plsssss. help me


Ito naman ang aking sagot...

Dear Miss Gustong maging chubby


Alam mo bang baligtad tayo ng problema? Ako kasi gusto ko magpapayat. baka gusto mong magtulungan tayo. Hehe. Kaya lang magastos at kinakailangan nating magpaturok ng injection na may anesthesia. Pwedeng i-transfer ko sa iyo ang aking natitirang baby fats sa pamamagitan ng fat transplant. Astig noh? Hehe.

Pero kung sakaling takot ka sa injection at ayaw mong gawin iyon, ito ang iba kong suggestions:


1. Kumain ka sa McDonald's tatlong beses sa isang araw. Gawin mo iyon sa loob ng isang linggo. Tignan mo kung merong pagbabago sa iyong bigat. Pero siyempre, importanteng uminom ka ng maraming tubig dahil baka naman ikaw ay maospital dahil sa sobrang cholesterol at asin sa iyong katawan.

2. Kumain ng anim na beses sa isang araw. Almusal, meryenda, tanghalian, merienda, hapunan, midnight snack.

3. Matulog tuwing tanghali lalo na kapag kakakain lang.

4. Manood ng TV buong araw at siguraduhin mo na ang pinaka-exercise mo lang ay ang paglipat ng channel at ang paglakad mula sofa hanggang sa iyong silid o sa banyo.

Pero kung ayaw mong gawin ang mga bagay na ito. Puwes, tama na ang kalokohan na iyan. Iwanan mo na lang ang boyfriend mo.


Nagmamahal,
Doctor Lab

Daily Routine

Ganito ang araw-araw na buhay ng isang professional bum na katulad ko.

Tulog sa umaga, gigising ako tanghali na. At ang aking almusal ay ang inyong tanghalian. Habang kumakain ng tanghalian, ako naman ay nanonood ng Eat Bulaga. At ang paborito kong part doon ay ang TKO na quiz game at saka yung Laban o Bawi. Nakakatawa kasi yung TKO na quiz game dahil ang kulit ng mga quotes na pinagsasasabi. Heto ang sample:

"Ang taong hindi marunong lumingon sa pinanggalingan... maliligaw."

"When there is smoke, there is fire... go to the fire exit" (basta parang ganito yung pagkakaalala ko... hehe)

Pagkatapos, yung sa Laban o Bawi naman, minsan eh matatawa ka talaga sa sagot ng mga contestant lalo na kapag alam mong nanghuhula. Nong isang beses...

Q: Rapid ____ movement. Ano ang blank na may tatlong letra?

A: car?!?

Hehehe! Yung iba kasi minsan hindi tinatapos yung tanong, paano ka nga naman makakahula ng maayos. Hehehe!

Pagkatapos manood ng mga contests na iyon, babalik naman ako sa aking silid para mag-internet. Magbasa, mag-e-mail, maghanap ng trabaho, mag-chat at kung anu-ano pa. At kapag nagsawa na ako, magpapahinga ako saglit, tapos maliligo, tapos hapunan naman. Syempre hindi lang naman ako ang gumagamit ng computer dito sa bahay. Kaya pagdating ni Daddy, ang unang ipapagawa sakin ay ang pag-update ng company website nila. Noong minsan nga noong inaasikaso ko yung domain registration ng website nila, mariing ipinipilit sa akin ni Daddy na gusto nya may underscore as in.. blah_blah.com. Pero pinaliwanag ko naman sa kanya na hindi pwede iyon. Eh ayaw maniwala. Hehe.

Pagkatapos naman gawin ang mga updates, yung kapatid kong bunso naman ang nag-iinternet. Hindi ko nga maintindihan kung bakit sa tuwing gumagamit siya ng Yahoo Messenger, eh gusto nya na malakas ang volume ng speakers na para bang gusto nyang iparating sa aming lahat na,

"Hoy mga kasama ko sa bahay! Madami akong kausap sa Yahoo Messenger!"

Hehehe! Pagkatapos naman niyang gumamit, ako naman ang gagamit. Tapos minsan nakakaasar kasi sisingit bigla si Kuya dahil magchecheck sya ng NBA o kaya naman ng FightNews. Mahilig kasi si kuya sa basketball at sa boxing eh. Ayan, nawawala tuloy minsan ang momentum ko. Hehe. Pagkatapos niya, ako naman ulit ang mag-iinternet. Tapos uumagahin na ako sa computer. Pag inaantok na talaga ako, matutulog na ako non.

Kaya nga tuwang tuwa ako kapag meron kelangan asikasuhin sa school o kaya naman kapag may biglang inutos sakin yung Kuya ko kagaya dati. Biruin mo, naiwan ba naman yung susi sa trunk ng kotse. Ayan, dahil ako nga ay isang bum, inutusan akong dalhin ang spare key sa opisina nila sa Makati. Natuwa naman ako kasi malalanghap ko ang polusyon ng Maynila, at maririnig ko na ulit ang mga maiingay na busina ng bus. Syempre kahit papaano namiss ko iyon. Hehe.

Haaaayyyyy... Ang buhay bum... Bow.

Tuesday, September 21, 2004

Sa pagpapadala ng resume

Ating tandaan na sa pagpapadala pa lang ng resume ay e-mail address mo palang, papansinin na yan ng taga-HR. Kaya't kung ang e-mail address mo ay tipong:

worksucks@yahoo.com
psychoako@yahoo.com
papatayinkita@yahoo.com

Huwag na huwag magpadala ng resume kung ganyan ang email address mo. Hindi pa nila natitignan ang laman ng resume mo ay siguradong wala ka na sa listahan ng under consideration kahit graduate ka pa ng UP, Ateneo, La Salle o UST.

At kung gumagamit ka ng Yahoo Mail, siguraduhin mong ang signature mo ay walang mga nakalagay na tipong:

"Work is bad"
"Babangon ako at dudurugin kita"
"Sambahin mo ako"

Dahil baka pagkabasa ng resume mo, eh bigla silang ma-turn off sa inyo. Ang labas, bumaligtad bigla ang impresyon sa iyo.

Ang Interview

HR: How do you want me to call you?

Applicant: On the telephone Ma'am. Wait, I'll give you my phone number. (sabay kuha ng notepad at ballpen at bago nya pa isulat)

HR: No, what I mean is...

Applicant: Ahhhh... cellphone number ko siguro (bago pa isulat yung cellphone number)

HR: (Nagngingitngit na sa asar) Noooohhhhhhh!!!! I was just asking for your nick name.

Applicant: Ma'am san ba nakukuha yung nick name? Nasa suking tindahan ba iyon?

HR: (nagkakamot na ng ulo) Nakowwww... tatagalugin na nga kita. Anong pangalan mo? yung first name mo lang...

Applicant: Eh iisa lang naman po ang pangalan natin nong tayo'y pinanganak di ba? Kaya't iisa lang ang first name ko.

HR: Ampucha.. di mo naman sinagot tanong ko eh.

Applicant: Eh andiyan na nga sa harapan yung biodata ko tanong ka pa ng tanong diyan.

HR: Layaaaaaaassssss!!!!

Fin!

Tawa, Tawa, Tawa

"Tawa, tawa, tawa... wala na ba akong maririnig kundi yang tawa mo?"

"Meron, meron, meron... may iba ka pang maririnig"

"Eh ano naman?!? Aber... sagot nga!"

"Hahahahahaha! (tunog ng tawa pero malungkot ang mga mata)"

"Eh niloloko mo ba ako, eh tumatawa ka eh"

"Tumatawa ba ako? Hindi... umiiyak ako"

"Eh bakit ganun? Di ba dapat huhuhuhu yun?"

"Eh ano bang pakialam mo ha? Eh sa gusto ko ganun eh. Para original"

Mga tawa... iba ang nagagawa ng pagtawa, nakakabawas ng pagod at nakakaganda ng araw. At ang misyon ko dito ay patawanin kayo, sa pamamagitan ng aking pagsusulat.

***********************

Kung mapapansin ninyo, may iba't ibang klase kung paano sinusulat ang tawa dito sa internet. At ito ay ang mga sumusunod...

Hihihihi
Kadalasan ito ay ginagamit kapag ikaw ay kinikilig. Masmadalas itong gamitin ng mga babae.

Hahahaha
Ginagamit ito pag tawang tawa ka na yung tipong kulang na lang ay gumulong ka sa kakatawa.

Hehehehe
Ginagamit ito kapag hindi ka masyadong tawang tawa. Hindi ka pa malapit sa puntong gugulong ka sa sahig.

Bwahahahaha o mwahahahaha
Ginagamit ito kapag may iba kang ibig sabihin. Halimbawa, may joke ka na double meaning. Tapos bigla mong dudugtungan ng ganitong tawa at yung emoticon na *evilgrin*.

HiiiiiHiiiiiiiHiiiiiiHiiiii
Kapag gusto mong parang tawa ng isang witch... ito ang tawang gamitin mo.