Komedya

Sunday, November 21, 2004

The Multiple Store!

Noong pauwi ako noong Sabado galing ng Taft Avenue dahil ako ay nagpa-VCD transfer ng pinakuhanang video sa akin ng aking ina, may nadaanan akong commercial building. Meron siyang tatlong stall. Ang pangalan ng mga stall ay:

Multihaus Trading, Multicars at Multipharmacy


At siyempre, mukhang iisa lang ang may-ari ng mga nasabing stall na yan. Bakit kaya Multi ang prefix name ng lahat?

a. Dahil siya ay nakatira sa Multinational Village
b. Dahil marami nga naman ang negosiyo nya kung kaya't Multi ang prefix na gamit nya.
c. Create your own answer!


Hehehehe!

Eto pa yung isa kong nakita. Papunta kami ng pinsan ko sa simbahan, pagkatapos ay may nakita akong sign. Tila tindahan siya ng mga bato (hindi bato na shabu) at kung anuman.

Alcatrocks


Hmmmm... san kaya galing ang mga bato nila? Sa Alcatraz? Hehehehe! Ang tindi naman ng tindahang ito pag nagkataon. Stateside pa!!!

Sunday, November 14, 2004

Amazing Glaze, Take Note at iba pa

Nagpunta ako kanina ng Go Nuts Donuts. Hindi ko kasi dati napansin yung menu nong huli kong punta, at saka hindi rin naman ako ang nag-order noon. Kita mo nga naman, meron silang Amazing Glaze. Siguro mahilig sila sa palabas na Amazing Race, isang reality tv show. Pakatapos ang isa pang nakakatawa ay yung Berry Full. Haha. Siya nga naman, kung gagawan ko ng tag line yan.. ang labas ay:

"I'm very full with Berry Full"

hahaha! Ano ba ito?!? Umaandar na naman ang kakornihan ko.

Bago ko makalimutan. Noong isang gabi habang kami ay papunta ng Freedom Bar, may nadaanang kaming Videoke Bar na ang pangalan ay "Take Note". Hahaha! Alam nyo ba kung ano ang itsura ng signage nito? May mga titik siya na Take Note tapos merong mga nota, yung mga musical notes. Hehehe! Paano kaya pag nagkayayaan magvideoke tapos sa Take Note gagawin? Hmmmm... Ah... alam ko na...

"Tara... Take Note Tayo!"

Para ka nga namang nagyayaya na magtake down notes yan. Isipin mo na lang kung nagtanong ka ng ganyan tapos nasa loob kayo ng classroom pagkatapos, yung isa mong kausap ay hindi nya alam na ang Take Note ay isang Videoke Bar.

Tapos may mga nabanggit naman sa akin ang aking kaibigan. Sabi nya, may nakita daw siya sa Alabang, ang pangalan ng tindahan ay

"Oh My Gulay!"

Ang itinitinda nila ay gulay. Hindi naman masyado obvious ano?!?

Paano kaya kung inutusan mo yung namamalengke sa inyo at sinabihan mo ng ganito:

"Inday, bumili ka nga ng gulay"

"Saan maa'm?"

"Oh My Gulay"

Paano kung Oh My Gulay lang ang sinagot. Tsk... miscommunication na agad yan. Hehehe! Baka akalain ni Inday na hindi na siya pinapabili ng gulay dahil sa expression ng kanyang amo.

Tapos may gotohan naman, ang pangalan ay Goto Heaven. Paano kung sinabi sa iyo,

"Goto Heaven tayo"

Hindi kaya ang isagot mo ay,

"Mag-isa ka! Gusto ko pang mabuhay!"

Isa lang ang ibig sabihin nyan, hindi pa nila ang nakikita ang naturang gotohan. =)

Tuesday, November 09, 2004

Spoofs Galore

Kung kayo ay mag-isa sa Starbucks at nagpapalipas kayo ng oras, isa sa mga pwede nyong gawin ay mag-spoof. Opo mga kaibigan. Tama ang inyong nabasa. Spoof... S-P-O-O-F. At ang mga aking na-ispoof... tentenenenenen (tunog na lumalabas sa Nokia cellphone kapag ikaw ay nakatop score sa Snake)...

"I-Bank = I-Bunk"

"Megalink = Megaling"

Pagpaumanhin ang ilang sumusunod na medyo Rated R ng konti... konti lang naman... hehehe... para sa mga berdeng utak (dahil ako ay produkto ng College of Engineering na kung saan ay noong LPEP namin ay nabahiran ang aking inosenteng pag-iisip.. lolz)

"Isuzu = Isusu"

"Toyota = Toyotna"

At siyempre... ang nakalagay sa insulating sleeve ng isang Starbucks Coffee na...

"Careful, the drink that you are about to enjoy is extremely hot"

Sa madaling salita mga kaibigan,

"Careful, the drink that you are about to enjoy may cause serious burns"

Naalala ko kasi yung natapunan ng mainit na kape noon sa McDonalds. Pero siyempre, exagerration lang naman yan mga kapatid.

Sunday, November 07, 2004

Para sa mga Pasaway

Kanina ay nakatanggap ako ng e-mail mula sa aking kaklase noong High School. Ang subject heading ay,


Creative Signs


Nakatawag ng pansin sa akin ang ilang signs at napagtanto ko na sadyang ginawa iyon para sa mga pasaway. Sa madaling salita, para sa mga matitigas ang ulo. Kumbaga, kelangan lang naman sindakin ng konti. Hehehe!



Ang litrato sa ibabaw ay nagsasabi na:


Ang mga pasaway na magtatapon ng kung anumang bagay sa buwaya ay dapat kuhaning muli ang kanilang binato.


Kita mo nga naman, sino ba naman ang magtatangkang huwag sumunod kung buhay na nila ang kapalit.



Ang litrato naman sa ibabaw ay nagsasabi na:


Ang sinumang pasaway na babangga sa auto namin, hindi ka namin tatantanan!


Aba! Kung MAFIA nga naman na yung kalaban mo eh, baka bukas niyan ay hindi ka na masikatan ng araw. Hehehe!


Thursday, November 04, 2004

Paano Iwasan ang Boss

Kanina ay nagcheck ako ng aking e-mail. Nakatanggap ako ng e-mail sa aking kaklase sa La Salle. Ang subject heading niya ay:


How to avoid your boss


Napag-isipan kong buksan ang e-mail dahil bihira nga naman siya magpadala. At kung nagpapadala siya ng e-mail ay dahil sa iyon ay maganda o kaya naman ay nakakatawa talaga. Video yung attachment nang aking tignan. Agad ko itong dinownload para matignan kung ano ang ispesiyal sa video na iyon. Ang video ay isang patalastas ng Federal Express at maaari itong makita sa website na ito.

Nagkuha ako ng ilang screenshots na nakakatawa.


Disguise Number 1

Kapansin-pansin sa litrato na ito na ang kanyang damit ay kakulay ng kanilang file cabinet. At siyempre pa, may effect pa siyang parang may handle katulad ng sa file cabinet na kanyang katabi. At para di makita ang kanyang ulo... ayan... tumingin lang kayo sa litrato na nasa ibabaw. Hehehe!!!


Disguise Number 2

Dahil nandoon naman siya sa loob ng cubicle at ang suot nya ay kasing kulay ng kanyang cubicle, ganyan na lamang ang kanyang ginawa. Hehe!!!


Disguise Number 3

Talaga nga naman isang empleyado na ito. Swak na swak ang pagsuot nya ng kanyang blusang kulay luntian. At siyempre pa, pati yung pwesto nya ay swak na swak. Paano, nasa may likod ba naman siya ng lalagyan ng halaman eh tapos puti pa ang kanyang palda na kung saan ay ang wall ay puti din.


Disguise Number 4 and 5

Makikita nyo sa litratong ito na dalawang empleyado ang nagtatago. Yung isa ba naman ay pumwesto sa painting na may mga ulo ng tao. Tamang tama lang dahil ang wardrobe nya ay puti. Hehe! At yung isa naman, naka puting palda naman. Kita mo nga naman na ang blusang suot niya ay nagmamatch sa katabi niyang gamit. At siyempre pa, di mawawala ang pagtakip nya sa kanyang ulo. Pero bilib din ako doon sa lalakeng yun ah, isipin mo, tatayo lang siya doon, napakasimpleng pang-disguise ang kanyang outfit.


Disguise Number 6 and 7

Aba, kakaiba din itong isa. Nakasuot siya ng coat na kasing kulay ng mga karton at siyempre, kahit pumwesto lang siya ng ganun ay ayus lang kasi blonde naman siya. Hehehe!!! At siyempre, panalo rin ang puwesto ng isang empleyado. Biruin mo, all-blue ang suot niya. Ang ginawa na lang niya ay nag-disguise na basurahan.

Kita mo nga naman, sila ang tinatawag na Masters of Disguise. Hehehe!!! Lahat talaga ay gagawin nila para di sila mamata ng kanilang masungit na boss.

Wednesday, November 03, 2004

Toad's Mouth

Alam nyo ba yung maikling kwentong pinamagatang Toad's Mouth na isinulat ni Isabelle Allende (spell check please)? Nagpagawa kasi sa akin ng project yung kapatid ko. May midterm exam daw kasi siya sa Economics kung kaya't di niya mapagbuhusan ng oras. Dahil gusto kong mahasa ang aking Adobe Photoshop skills at ang aking imahinasyon, ayan, gumawa ako ng poster, pero siyempre hindi ko ipopost dito ang itsura ng poster. Natawa lang ako sa una niyang iminungkahi. Ganito kasi ang konsepto niya,


Ang bidang si Hermelinda at si Pablo ay nakasakay sa kabayo


Hindi ko sinang-ayunan ang kanyang konsepto dahil sobrang hirap namang gawin noon. Ang sarap sabihin sa kanyang


Sige nga, maghanap ka ng litrato ni Eduardo Noriega at ni Penelope Cruz na nakasakay sa kabayo. O kaya, kahit magkahiwalay na litrato nila pero lalabas na ganung effect?


O di ba.. hehe! Tapos yung isang nakakatawa doon ay masyadong gamit na ang ganoong klase ng konsepto. Kumbaga, happy ending yung pinapakita. Sa palagay ko masmaganda pa rin kasi kung climax yung gagamitin na konsepto.

Tapos nagpagawa din siya sa akin ng literay map. Sa literary map mo makikita ang setting ng kuwento. My gahhhd!!! Medyo nahirapan akong gawin yun ah. Ang daming dapat i-crop at mga kung anu-anong chenelyn chenes na yan.

Yun lang naman yung ginawa ko buong araw. Ni hindi man lang ako nakanood ng Extra Challenge dahil doon. Pero nakapanood naman ako kanina sa HBO ng Meet Joe Black. Hayup din ako manood eh, gitna yung naumpisahan ko. Hehehe! Eh di ko naman kasi napanood yung Meet Joe Black dati kaya iniisip ko noon sino ba si Joe Black? Anong papel nya sa buhay ni Bill Parish? Tapos saka ko lang naisip na... ahhhhh.. mala-kamatayan pala ang drama nito. Hehe.

Monday, November 01, 2004

Walang patawad!

Kung akala nyo ay cellphone lang at wallet ang ninanakaw, diyan kayo nagkakamali. Kung nagpunta kayo sa sementeryo nitong Undas, makikita nyo na yung ibang lapida ay may mga gintong lettering. Hindi naman talaga siya ginto, basta makintab siya. Hehe. Naalala ko kasi dati noong iniwan namin iyon doon, eh ninakaw ba naman. Kaya ngayon, ang ginagawa namin, nagkakaroon lang ng mga ginintuang lettering tuwing Undas.

Ang iniisip ko naman, bakit pa naman iyon ay hindi na pinatawad ng mga magnanakaw na iyan. Paano nila pagkakakitaan iyan? Hmmmm... isasangla kaya nila sa pawnshop? O kaya naman siguro, ay tutunawin nila (mga gumagawa ng ginintuang lettering) para makatipid sila sa gastusin.

Minsan, naiisip ko na lang na i-mighty bond na lang ang mga ginintuang lettering. Siyempre ayaw naman nila siguro gumawa ng matinding ingay para lang makuha ang mga iyon kung sakali.

Bago ko pala makalimutan, yung isang grill sa aming pantheon ay hindi namin malaman kung nilagari o naputol na lang bigla dahil hindi maganda ang pagkakawelding doon. Hmmm... pero kung nilagari nga siya ng magnanakaw... isa lang masasabi ko sa kanya...

"Walang patawad!"

Headline news ay: Buhay, ninakawan ang patay!

Sun Cellular sa aming probinsiya

Noong nakaraang Pasko, pag-uwi namin ng probinsiya (sa may Siniloan, Laguna) ay walang signal ang aking Sun Cellular na SIM card na dating gamit pa ni Kuya Jay. Naalala ko dati na dead spot talaga. Pagkalampas pa nga lang ng isang bundok sa may Rizal eh naglaho bigla ang dating 4 bars na signal.

Pero nitong Undas, nagbago ang lahat. Pagdating namin hanggang sa mismong patio ng aming bahay sa Laguna, eh napakalakas ng signal ng Sun Cellular. Biruin mo, dati hindi pa kami nakakarating ng bahay namin sa Laguna eh wala na agad signal pero ngayon, may signal na. Hehe. Buti naman at naisipan nilang maglagay na ng cell site doon. Pero wag ka, pagtungtong namin sa loob ng bahay... tentenenenen (tunog ng kapag nag top score ka sa makalumang larong snake)... ang four bars ay unti-unting naglaho.

Hmmmmm... Sun Cellular = Solar Powered signal? Hahaha! Charing! Siyempre hindi lang siguro ma-penetrate ng Sun Cellular ang mga bakal ng aming bahay. Hehehe! Siguro lang, masmalakas ang puwersa ng Globe at Smart kung kaya't nakakalusot sila sa force field.